
Suportado ng Department of Energy o DOE ang regional Second Price Cap o SPC ng Energy Regulatory Commission o ERC sa dalawang power grid para bumaba ang singil sa kuryente ng mga consumer sa Visayas at Mindanao.
Ayon sa DOE, epektibo ito simula sa billing period ng Agosto 2026 upang maprotektahan ang mga consumer laban sa biglaang pagtaas ng presyo ng kuryente kapag kapos ang suplay.
Batay sa simulation ng ERC, maaaring bumaba ng 54 percent ang average na presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM sa Visayas mula P18.59 kada kilowatt-hour hanggang P8.47 kada kilowatt-hour.
Samantala, sa Mindanao, maaari namang bumaba ng 56 porsyento ang average na presyo mula P19.56 kada kilowatt-hour hanggang P8.69 kada kilowatt-hour.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na hindi dapat pasanin ng mga konsyumer sa Visayas at Mindanao ang labis na taas ng presyo ng kuryente tuwing kulang ang suplay.
Dagdag niya, patuloy ding pinatitibay ng pamahalaan ang power supply sa pamamagitan ng pagbabalik-operasyon ng mga planta, pagdaragdag ng battery reserves, at pagtugon sa paulit-ulit na pagkawala ng kuryente.
Gayunman, nilinaw ng DOE na mag-iiba pa rin ang magiging epekto sa bawat consumer depende sa pinagkukunan ng suplay ng kanilang distribution utility at sa lawak ng paggamit nito sa spot market.
Patuloy namang makikipag-ugnayan ang DOE sa ERC at iba pang ahensiya upang mapanatiling matatag ang suplay ng kuryente at matiyak na maayos na maipatutupad ang mga bagong singilin sa mga consumer.










