
Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya nito laban sa mga banta online kasunod ng malaking pagtaas sa bilang ng mga naiulat na naging biktima ng cybercrime.
Lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa mula June 20 hanggang 29 sa 1,200 na respondent sa buong bansa, umabot sa 8 percent ang mga pamilyang Pilipinong naging biktima ng cybercrime, mula sa 5.8 percent na naitala noong Marso.
Ang nasabing pagtaas ay naitala sa Metro Manila, Visayas at Mindanao.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., pinalalakas na ng ACG at ng mga kaugnay na regional units ang cybercrime prevention, imbestigasyon at public awareness efforts partikular na sa pagsugpo sa online scams, account hacking, at iba pang schemes na tumatarget sa komunidad.
Hinimok naman ni Nartatez ang publiko na maging mapagmatyag, iberipika ang transaksyon online, protektahan ang personal na impormasyon at agad na ireport ang kahina-hinalang aktibidad.
Tiniyak din nito na patuloy ang paghuli nila sa mga cybercriminals at panagutin sila sa batas.










