Reklamong cyberlibel, inihain ng isang lider ng Kamara laban sa Manila Times Publishing Corporation

Nagsampa ng reklamong cyberlibel laban sa Manila Times Publishing Corporation at ilang opisyal, editor, at manunulat nito si House Majority Leader at Zamboanga City Representative Manuel Jose “Mannix” Dalipe.

Ang cyberlibel case na inihain ni Dalipe sa Zamboanga City Prosecutor’s Office ay nag-ugat sa umano’y malisyoso at pekeng artikulo ng Manila Times na pinamagatang “Leaked paper lays out poll attack plan”.

Ayon kay Dalipe, ang binasehan ng nasabing artikulo ay pekeng dokumento kung saan peke rin ang pirma niya.

Tinutukoy sa dokumento ang umano’y “Oplan Horus” na isang “Mid-Election Campaign Sprint Action Plan” na layong patalsikin si Vice President Sara Duterte at ipadiskwalipika ang mga kaalyado nito.

Binigyang-diin ni Dalipe, na hindi rin nagsagawa ang Manila Times ng pagberepika kung tunay ang dokumento at hindi rin kinuha ang kaniyang panig.

Facebook Comments