Tuesday, October 13, 2026

Reserve market, pansamantalang sinispindi ng ERC upang mapababa ang singil sa kuryente

Sinuspindi muna ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang commercial operation ng Reserve Market sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Ito ay para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng Ancillary Services lalo na sa Visayas.

Ayon sa ERC, layunin ng hakbang na mabigyan ng panahon ang pagsasaayos ng mga polisiya sa pagbili ng reserve power at kung paano ipinapasa ang gastos nito sa mga consumer.

Ang kautusan ay inaprubahan noong Oktubre 8 at inilabas matapos ang konsultasyon sa Department of Energy (DOE).

Batay sa pagsusuri ng ERC, nanatiling mataas ang presyo ng reserve market mula nang ganap itong ipatupad noong 2024.

Sa Visayas, umabot sa mahigit 60 beses ang naging epekto nito sa singil kumpara sa mga kontratang Ancillary Service Procurement Agreements (ASPA).

Sa ilalim ng suspensiyon, kukuha muna ang National Grid Corporation of the Philippines  (NGCP) ng reserve capacity mula sa umiiral na mga kontrata at sa mga itatalagang must-run power plants upang matiyak ang tuloy-tuloy at maaasahang suplay ng kuryente.

Inatasan din ng ERC ang NGCP na magsumite ng assessment sa loob ng 30 araw, habang sa loob ng anim na buwan ay inaasahang maghahain ang NGCP, PEMC at IEMOP ng panibagong disenyo ng Reserve Market upang maiwasan ang labis na gastos ng mga consumer at mapanatili ang katatagan ng suplay ng kuryente.

Facebook Comments