Ito ang naging direktiba ni Mayor Pedro Merrera III matapos ipatawag ang mga managers ng dalawang kumpanya upang alamin ang kanilang mga plano sakaling humina o mawalan ng suplay ng tubig ang mga residente sa 33 barangay ng Binmaley.
Giit ni Merrera, hindi sapat ang iisang water tanker upang matugunan ang pangangailangan ng buong bayan, kaya iminungkahi nitong maghanda ng hanggang 15 water tanker bilang alternatibong suplay.
Pinagsusumite rin ang mga kumpanya ng hydraulic calculations upang matukoy kung sapat ang kapasidad ng kanilang pumping stations at water distribution system.
Kasabay nito, binigyang-pansin din ng alkalde ang mga reklamong natatanggap mula sa mga residente kaugnay ng mahinang daloy at maruming tubig.
Sinisilip din ng alkalde ang pagpapatupad ng joint venture agreement na pinasok noong nakaraang administrasyon, partikular ang binanggit na 500 milyong pisong pondong dapat gamitin sa pagpapahusay ng mga pasilidad at serbisyo sa tubig.
Kabilang sa kasalukuyang mga hakbang ang pagpapalit ng mahigit 50 taong gulang na mga tubo sa ilang bahagi ng bayan.
Binigyang-diin ng alkalde na handang tumulong ang lokal na pamahalaan, ngunit kailangang magkaroon ng malinaw at agarang aksyon ang dalawang kumpanya bago pa maranasan ang matinding kakulangan sa tubig. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







