RETIRADONG OFW, BIKTIMA NG ₱2.37M QUALIFIED THEFT SA MANGALDAN; DATING DRIVER, ITINUTURONG SUSPEK

Isang kaso ng *Qualified Theft* ang inireport sa Mangaldan Municipal Police Station (MPS) matapos ang reklamo ng isang 79-anyos na babae, retiradong overseas Filipino worker (OFW), na residente ng Brgy. Embarcadero, Mangaldan, Pangasinan.

Ayon sa ulat, bandang alas-9:30 ng umaga noong Hunyo 10, 2026 nang personal na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima upang iulat ang pagkawala ng kanyang mga alahas.

Batay sa salaysay ng biktima, noong Marso 13, 2026 ay nadiskubre niyang nawawala ang iba’t ibang alahas mula sa hindi nakakandadong kabinet sa loob ng kanyang silid. Kabilang dito ang mga gintong kuwintas, pulseras, bangles, hikaw, singsing, at iba pang alahas na may kabuuang tinatayang halaga na ₱2,371,000.00.

Itinuturo ng biktima ang kanyang dating personal driver, isang 41-anyos na lalaki at kapwa residente ng Brgy. Embarcadero, bilang pangunahing suspek sa insidente.

Lumabas din sa imbestigasyon ang impormasyon mula sa asawa ng suspek na umano’y nakitaan ito ng malaking halaga ng pera at sinasabing sumusuporta sa isang karelasyon. Dagdag pa rito, napansin din ng mga kaibigan ng biktima ang biglaang pagbabago sa pamumuhay ng suspek simula Pebrero 2026, kasabay ng pagkawala ng mga alahas.

Ayon pa sa ulat, may isang saksi na nagsabing noong alas-7:30 ng umaga ng Pebrero 10, 2026 ay nakita umano ang suspek na pumapasok sa bintana ng silid ng biktima at kinuha ang mga alahas.

Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ang kinaroroonan ng suspek at sinasabing iniwan na nito ang kanyang pamilya at sumama sa umano’y karelasyon. Patuloy ang imbestigasyon ng Mangaldan MPS para sa posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments