Friday, June 5, 2026

TATLONG MOST WANTED PERSONS SA PANGASINAN AT LA UNION, NAARESTO SA MAGKAKAHIWALAY NA MANHUNT OPERATIONS

Tatlong pinaka tinatarget na pugante sa rehiyon ang naaresto ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa magkakahiwalay na manhunt operations.

Ayon sa PRO 1, kabilang sa mga nadakip ang Top 1, Top 4, at Top 5 Provincial Most Wanted Persons mula sa mga lalawigan ng Pangasinan at La Union.

Sa bayan ng Binmaley, Pangasinan, pinangunahan ng Provincial Intelligence Unit (PIU) kasama ang iba pang yunit ng kapulisan ang pag-aresto sa Top 1 Most Wanted Person ng lalawigan, na siya ring Top 2 municipal fugitive. Ang suspek, isang construction worker na residente ng Bugallon, Pangasinan, ay nahaharap sa tatlong bilang ng kasong Statutory Rape.

Sa hiwalay namang operasyon sa parehong bayan, naaresto rin ang Top 5 Provincial Most Wanted Person at Top 3 municipal fugitive. Ang suspek ay nahaharap din sa tatlong bilang ng Statutory Rape.

Samantala, sa isang cross-provincial operation, natunton ng mga operatiba ng Agoo Municipal Police Station at iba pang law enforcement units ang Top 4 Most Wanted Person ng La Union sa Lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija. Nahaharap ang suspek sa mga kasong Syndicated Illegal Recruitment Constituting Economic Sabotage, Syndicated Estafa, at Swindling o paglabag sa Article 315(2)(a) ng Revised Penal Code.

Binigyang-diin ni PRO 1 Acting Regional Director Police Brigadier General Jovencio S. Badua Jr. na magpapatuloy ang agresibong kampanya ng rehiyonal na pulisya laban sa mga puganteng umiiwas sa batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments