
Umaabot na sa ₱200,000.00 ang pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon o makakapagturo sa kinaroroonan ng suspek na si Edison Malubay Bayumbon o alias Xander.
Si alias Xander ay wanted dahil sa pamamaril sa dalawang pulis sa Bocaue, Bulacan sa kasagsagan ng isang buy-bust operation noong Sabado, March 8, 2025.
Ayon kay PNP Spokesperson at Police Regional Office 3 Regional Director PBGen. Jean Fajardo ang karagdagang ₱100,000.00 na pabuya ay mula sa lokal na pamahalaan ng Bulacan.
Sa ngayon, inaalam pa ng Pambansang Pulisya kung sangkot ang suspek sa iba pang krimen sa pamamagitan ng pagsasailalim sa forensic investigation at cross-matching ng kanyang baril na nahulog sa crime scene dahil sa pagmamadali nitong makatakas.
Samantala, sinabi din ni Fajardo na ginawaran ng Medalya ng Kadakilaan ang dalawang nasawing pulis na sina PStaff Sgt. Dennis Cudiamat at PStaff Sgt. Gian George Dela Cruz.