Monday, September 14, 2026

Paraan ng cross examination ng depensa kay retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, medyo bastos para sa isang lider ng Kamara

Medyo bastos para kay House Deputy Speaker at Iloilo Representative Janette Garin ang paraan ng cross examination ni defense lawyer Mark Vinluan kay retired Sandiganbayan Justice Amparo Cabotaje-Tang.

Si Cabotaje-Tang ang unang testigo na ipinrisenta ng prosecution para ikalawang article of impeachment patungkol sa alegasyong unexplained wealth na hindi umano idineklara ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).

Pangunahing pinuna ni Garin ang mga tanong ni Vinluan kay Cabotaje-Tang kung ito ba ay Kakampink o Diehard Duterte Supporter.

Sa obserbasyon ni Garin ay parang pinipilit ni Vinluan si Cabotaje-Tang na sumagot ng mga bagay kahit ang presensiya nito sa impeachment court ay para magbigay ng intepretasyon sa mga batas sang-ayon sa kaniyang karanasan.

Ayon kay Garin, ang linya ng mga tanong ni Vinluan ay akma sa isang criminal court at hindi sa impeachment proceeding.

Nagtataka si Garin kung bakit nagbibingi-bingihan si Vinluan at itinatago ang kaniyang galing bilang abogado at sa halip ay mas pinili nito na tangkaing sirain ang malinis at walang bahid na imahe ni Cabotaje-Tang.

Facebook Comments