Nag abiso ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga taga-Palawan kasunod ng inilunsad na rocket launch ng People’s Republic of China.
Base sa abiso, ang schedule ng Long March 12 rocket launch mula Hainan International Commercial Launch center sa Wenchang, Hainan China ay mula alas-8 ng gabi hanggang alas-12 ng madaling araw sa pagitan ng November 30 hanggang December 5, 2024, kung saan inaasahan ang drop zone nito ay sa bahagi ng Rozul Reef at Quezon, Palawan.
Habang ang Long March 3B rocket launch ay posibleng mahulog ang debris mula sa kalangitan mula alas-2 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon sa pagitan ng December 3 at December 5, 2024 sa bahagi ng Rozul Reef at Busuanga, Palawan.
Kasunod nito, inatasan ng NDRRMC ang Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Environment and Natural Resources – National Mapping and Resource Information Authority (DENR-NAMRIA) na magpatupad ng hakbang upang protektahan ang mga papalaot sa karagatan sa mga natukoy na lugar.
Inalerto rin ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Office (RDRRMC) ng MIMAROPA para bantayan ang pagbagsak ng anumang debris mula sa kalangitan.
Samantala, saka sakaling may bumagsak na debris, pinag-iingat ng Philippine Space Agency ang publiko dahil nagtataglay ito ng mga kemikal na nakasasama sa kalusugan.