SA POZORRUBIO: LIMANG TAONG GULANG NA BATA, NALUNOD, PATAY!

Wala ng buhay nang maisugod sa Pozorrubio Community Hospital ang limang taong gulang na batang lalaki matapos itong malunod sa Angalacan River sa may bahagi ng Brgy Dilan, Pozorrubio, Pangasinan.

Nakilala ang bata na si Daniel.

Ayon kay IOC – Police Corporal  Christian Ronquillo, nagtungo ang biktima kasama ang kanyang ama na si Dave Ariada sa nasabing ilog upang mangisda ngunit makaraan ang ilang sandali hindi napansin ng ama na nagpunta sa malalim na parte ng ilog ang kanyang anak at dito na nalunod.

Umabot ng tatlong oras bago natagpuan ang katawan ng biktima na palutang-lutang.

Naitakbo pa ito sa ospital ngunit wala ng nagawa ang doktor para isalba ang buhay ng bata.

Labis-labis ngayon ang pagsisisi ng ama sa nangyari sa kanyang nag-iisang anak.  | ifmnews

Facebook Comments