INAASAHANG LAGAY NG PANAHON SA ARAW NG UNDAS, PINAGHAHANDAAN NG MGA PANGASINENSE; MAAGANG PAGDALAW SA SEMENTERYO, ISINASAALANG-ALANG

Matinding init ng panahon at posibleng pag-ulan ang kabilang sa mga isinasaalang-alang ng mga Pangasinense sa pagpaplano ng pagdalaw sa mga sementeryo ngayong Undas.

Noong nakaraang linggo, nagsimula nang maglinis ang ilang pamilya sa mga puntod bilang paghahanda sa nalalapit na paggunita sa mga yumao.

Bukod sa maagang paglilinis, may ilan ding nagpaplanong dumalaw nang mas maaga upang maiwasan ang matinding sikat ng araw.

Samantala, bukod sa matinding init, pinaghahandaan din ng mga bibisita sa mga sementeryo ang posibilidad ng pag-ulan, lalo’t biglaang sumama ang panahon noong nakaraang Undas.
Ayon kay Gener Quitlong, meteorologist at Chief Meteorological Officer ng PAGASA Dagupan, nasa 30 hanggang 40 porsiyento ang inaasahang posibilidad ng pag-ulan sa mga buwan ng Nobyembre at Disyembre.

Ito ang ibinahagi ni Quitlong sa kaniyang ulat sa Sangguniang Panlalawigan.

Sa ngayon, isinasaalang-alang ng mga Pangasinense ang lagay ng panahon sa pagpaplano ng kanilang biyahe at pagdalaw sa mga sementeryo ngayong Undas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments