Friday, May 8, 2026

Fuel subsidy sa mga mangingisda, pinadadagdagan ng isang senador

Kinalampag ni Senator Imee Marcos ang Department of Agriculture (DA) na dagdagan ang fuel subsidy ng mga mangingisda.

Tinukoy ng senadora na sa isang buwan, 25 beses naglalayag ang isang mangingisda at kada maglalayag ay humigit-kumulang 15 litro ng gasolina ang kanilang kailangan na nasa P85 kada litro o katumbas ng P1,275 bawat araw.

Lumalabas aniya na mahigit P30,000 kada buwan ang ginagastos ng isang mangingisda sa gasolina kaya ang P3,000 na ayuda ay kakasya lamang sa wala pang tatlong araw na pangingisda.

Giit ni Sen. Imee, hindi sasapat ang one-time assistance at kailangan ay tuloy-tuloy ang fuel subsidy sa mga mangingisda o kaya ay alisin ang excise tax o VAT sa krudo.

Kinwestyon din ni Marcos ang pangakong P10 refund sa kada kilo ng krudo sa ginanap na pagdinig ng PROTECT Committee na hanggang ngayon ay sumasailalim pa rin sa review.

Dagdag ng mambabatas, dahil sa kakulangan ng suporta ay napipilitan ang mga mangingisda na tumigil sa kanilang hanapbuhay at sa halip na tulungan ay mas dumami pa ang kakompitensya na mga ibinibentang imported na isda.

Facebook Comments