
Magsisimula na sa ikatlong quarter ng 2026 ang operasyon ng NS Sustainable Solutions Inc. (NSSI) para sa kauna-unahang food-grade PET bottle-to-bottle recycling facility sa Visayas at Mindanao.
Matatagpuan ito sa Carmen, Cebu. Ang pasilidad ay magpo-proseso ng mga post-consumer PET bottles upang gawing recycled PET (rPET) na maaaring gamitin muli sa food at beverage packaging.
Tinitiyak ng teknolohiyang gamit nito—na sumusunod sa pamantayan ng US FDA at EFSA—na kalidad at ligtas ang mga recycled na materyales.
Layunin ng proyekto na palakasin ang kakayahan ng bansa sa recycling, lalo na sa mga rehiyon sa labas ng Luzon, kung saan limitado ang ganitong pasilidad.
Sa pamamagitan nito, mapapanatili sa lokal na lugar ang mga nakokolektang materyales at hindi na kailangang ilipat pa sa ibang rehiyon.
Inaasahan ding makatutulong ang pasilidad sa pagbawas ng plastik sa kapaligiran, pagpapalago ng lokal na ekonomiya, at paglikha ng trabaho.










