
Sinuspinde ng Office of the Ombudsman nang isang buwan at isang araw, nang walang sahod, si Santa Maria, Laguna Municipal Treasurer Ma. Theresa Lagonoy Lontok dahil sa kapabayaan sa pangangalaga sa mga ballot box noong 2022 elections.
Sa inilabas na desisyon ng Ombudsman, napatunayang hindi sapat ang ginawang pag-iingat ni Lontok upang matiyak ang seguridad ng mga ballot box na nasa kaniyang kustodiya.
Batay sa inspeksyon ng House of Representatives Electoral Tribunal o HRET, ilang ballot box ang walang kumpletong security seals, habang ang iba ay packaging tape lamang ang ginamit na pansara.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain noong Marso 2025 ni Laguna 4th District Representative Maria Jamina Katherine Baltazar Agarao laban kina Lontok at Santa Maria Mayor Ma. Rocelle Valdecantos Carolino kaugnay ng umano’y pakikialam sa mga balota.
Gayunman, walang nakitang ebidensya ang Ombudsman na sadyang pinakialaman ni Lontok ang mga balota, bagama’t napatunayan ang kaniyang kapabayaan sa pagtiyak sa seguridad ng mga ito.
Samantala, ibinasura ang lahat ng reklamong administratibo laban kay Mayor Carolino dahil sa kakulangan ng ebidensya.










