Sen. Alan Cayetano, pinasinungalingan ang paratang na binalewala niya noon ang human rights sa ilalim ng dating Duterte admin

Pumalag si Senator Alan Peter Cayetano sa naging pahayag sa kaniya ni dating Senator Leila de Lima na dapat kasama siya sa makasuhan dahil sa pagbalewala sa karapatang pantao sa ilalim ng dating administrasyong Duterte.

Ayon kay Cayetano, ginagawa siyang halimaw ng dating senadora na hindi naman totoo.

Taliwas aniya sa mga paratang ni De Lima, kahit kailan ay hindi niya sinabi na patayin ang mga mahuhuling adik.

Katunayan, tumulong aniya siya sa programa para sa rehabilitasyon ng mga napatunayang drug addict sa lungsod ng Taguig at ito ang pinakamalaking rehabilitation facility ng Department of Health (DOH).

Naniniwala ang senador na ang mga nalulong sa iligal na droga ay mga biktima at dapat lamang silang gamutin at bigyan ng oras na makapagbago.

Inilatag din ni Cayetano ang iba pang pagprotekta sa karapatang pantao na kaniyang nagawa sa nakaraang administrasyon tulad ng eksklusibong online portal at itinaas ang legal assistance fund para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Facebook Comments