Sen. Ramon Bong Revilla Jr., pinabulaanan ang report ng MMDA na nahuli ang kanyang convoy na sinasakyan sa EDSA carousel sa Mandaluyong

Mariing itinanggi ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., ang inilabas na report ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Task Force Chief Bong Nebrija na nahuli ng mga tauhan ng MMDA ang convoy na kanyang sinasakyan na dumaan sa EDSA carousel busway sa bahagi ng Mandaluyong City.

Giit ni Revilla, walang katotohanan ang aniya’y malisyosong report na naharang ang kanyang sasakyan ng MMDA.

Aniya, imposible na dadaan siya sa EDSA Mandaluyong dahil ang kanyang araw-araw na byahe ay mula South papuntang Senado.


Sakali mang may official functions ang senador sa North ay sa Skyway siya bumabaybay pabalik ng South at hindi sa EDSA busway.

Sinabi pa ni Revilla na kung totoo mang may gumamit ng kanyang pangalan ay dapat ginawa ng MMDA ang kanilang trabaho at tinekitan ang lumabag.

Pagpapaliwanagin ng senador kung papaanong nakaladkad ang kanyang pangalan sa isyu at tila napakaaga naman ng paninira sa kanya.

Facebook Comments