
Tiniyak ni Senate President Chiz Escudero na hindi papayagan ng mataas na kapulungan na arestuhin ng mga otoridad si Senator Bato dela Rosa kapag nasa loob ito ng Senado.
Ayon kay Escudero, nagkausap na sila ni Dela Rosa at nagtanong lamang ito ng mga options na maaaring gawin sa Senado sakaling dumating sa puntong aarestuhin na rin siya ng International Criminal Court (ICC).
Sinabi ng senador na mayroon silang tinatawag na “institutional courtesy” para sa mga mambabatas na nahaharap sa kaso kung saan hindi pinapayagan na arestuhin ang sinumang senador sa loob ng Senado, may sesyon man o wala.
Paliwanag ni Escudero, wala ito sa batas pero ito ay naging tradisyon na ng Senado at bahagi rin ito ng kanilang rules na matagal na ring sinusunod.
Sinabi rin ng Senate president na kahit ang Interpol na umaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi rin papayagan na dakpin basta si Dela Rosa sa loob ng Senado kahit pa may warrant of arrest.
Bagama’t sinabi rin ni Escudero na hindi habang panahon na kakanlungin siya ng Senado, pero bibigyan naman ng sapat na panahon si Dela Rosa na makuha ang lahat ng legal na remedyo hanggang sa magkaroon ito ng linaw o pagpapasya.
Tinukoy pa ni Escudero na hindi ito bago dahil ganito rin ang ginawang courtesy noon kina dating Senate President Juan Ponce Enrile, dating Senators Leila de Lima at Antonio Trillanes IV at Senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla Jr., nang minsang maharap din noon sa iba’t ibang mga kaso.