
Pinagkokomento ng Korte Suprema ang Senado kaugnay sa petisyon na nag-oobliga sa Mataas na Kapulungan na simulan na agad ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, may sampung araw ang Senado bilang respondents para magbigay ng komento sa inihaing petisyon ng abogadong si Catalino Generillo Jr.
Iginigiit ng petition for mandamus na inihain noong Biyernes na hindi dapat i-delay ng Senado ang kanilang tungkulin na maging isang impeachment court kahit nasa recess batay na rin sa Saligang Batas.
Ito ay dahil natanggap daw ng Senado ang Articles of Impeachment mula sa House of Representatives bago tuluyang mag-adjourn ang sesyon noong ika-lima ng Pebrero.
Una nang sinabi ni Senate President Chiz Escudero na posibleng pagkatapos pa ng ika-apat na State of the Nation Address ( SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., magsimula ang impeachment trial sa pangalawang pangulo.