
Binigyang-diin ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PMGen. Nicolas Torre III na walang basbas mula sa Palasyo ng Malakanyang ang pagsasampa nila ng reklamong inciting to sedition at unlawful utterances laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Gen. Torre, umakto lamang sila sa sarili nilang kakayahan base sa kanilang kapangyarihan sa pagsasampa ng mga reklamo laban sa dating pangulo.
Ani Torre, bagama’t itinuring ng ilan na biro lang ang naging pahayag ni Duterte na pagpapatay sa 15 senador, posible kasing makahikayat ito ng negatibong aksyon mula sa kanyang mga taga-suporta.
Paliwanag ni Torre, pure law enforcement lang ang kanilang ginawa dahil nakakita sila ng paglabag at wala ni isang senador ang lumapit sa kanila para magsampa ng kaso.
Samantala, giniit ni Torre na dapat mapanagot si Duterte sa kanyang mga naging pahayag kung saan kanyang inihalimbawa ang madugong war on drugs nito na marami ang napatay at kalauna’y mga pulis lamang ang nakasuhan at nakulong.