
Pinag-aaralan ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na tapyasan ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga infrastructure projects upang wala nang pagkuhaan ng kickback ang mga opisyal dito.
Sa gaganaping pagdinig ng budget sa DPWH, plano nilang tanggalin na agad ang mga makikitang overpriced na pondo sa mga infra projects.
Paliwanag ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian, kung pagbabatayan ang mga testimonya ng mga testigo mula sa DPWH na humarap sa pagdinig, mayroon na agad 15 percent ang mga flood control projects.
Lumalabas din na sa unang stage pa lamang ng pambansang budget na National Expenditure Program (NEP) ay overpriced na kaagad, kaya kung aaprubahan nila ang pondo nang hindi binabawasan ay magtutuloy-tuloy lamang ang ligaya ng mga taga-ahensya.
Sa ngayon, aniya ay nangangalap na sila ng mga dokumento katuwang ang mga consultant na private engineers para ibangga o pagtugmain ang mga overpriced na proyekto.
Una rito, inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure na bawasan ng kalahati ang halaga ng kontrata ng DPWH para sa mga public works projects.









