Senado, umaasang maisasabatas na ang panukalang nagbabawal sa lahat ng uri ng online gambling sa bansa

Umaasa si Majority Leader Joel Villanueva na magiging daan sa pagsasabatas ng panukalang magbabawal sa lahat ng uri ng online gambling sa bansa ang pagpapatupad ng isang ordinansa sa lungsod ng Pasig.

Kasabay nito ay pinuri ni Villanueva ang lokal na pamahalaan sa hakbang na ipatigil ang operasyon ng lahat ng online gambling establishments sa syudad.

Sinabi ng senador na ang development na ito ay nagbibigay sa kanila ng kumpiyansa na mapagtibay sa Mataas na Kapulungan ang Senate Bill 1281 na layong masawata at patigilin na ang lahat ngn uri ng online gambling sa bansa.


Umaasa rin si Villanueva na magsisilbing halimbawa at gagayahin ng ibang mga lungsod ang ginawa ng Pasig na ipatigil ang lahat ng online gambling establishments sa kanilang lugar.

Dagdag pa ng mambabatas, magandang panimula ito, na sa pagbubukas ng bagong taon ay magpapatupad ng mga tamang polisiya na magdudulot ng malaking pagbabago sa bansa.

Facebook Comments