Senador, kinatigan ang apela na simulan na ang impeachment trial laban kay VP Sara Duterte

Suportado ni Senator Risa Hontiveros ang liham na ipinadala ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Senate President Chiz Escudero para simulan na agad ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Hontiveros, nakikiisa siya sa kasamahan sa minorya na si Pimentel patungkol sa sulat na inilabas nito para igiit na aksyunan na agad ang mga articles of impeachment laban sa Bise Presidente.

Sang-ayon siya sa pagkakaunawa ni Pimentel sa Konstitusyon na malinaw ang utos sa kanilang mga senador na oras na mai-transmit ang articles of impeachment sa Mataas na Kapulungan ay dapat agad na mag-convene ang Senado bilang impeachment court.


Dagdag din ni Hontiveros, bilang sila rin ang tatayong senator-judge sa impeachment proceedings ay kailangang manatili silang patas at walang kinikilingan sa buong proseso ng paglilitis.

Kahapon ay natanggap ng opisina ni Escudero ang sulat ni Pimentel na humihiling na kumilos na agad ang Senado para sa trial sa impeachment case laban kay VP Duterte.

Facebook Comments