
Nakipagpulong si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., sa mga lider ng iba’t ibang Filipino organization sa Singapore para talakayin ang mga panukalang batas na isinusulong sa Senado para sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Nagsagawa rin ng konsultasyon ang senador para kunin ang posisyon ng iba’t ibang grupo ng mga Pilipino para sa ikabubuti ng sitwasyon ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa.
Kabilang sa mga ibinahaging panukala ni Revilla ang inihain niyang Senate Bill 1512 o ang “Bagong Bayani Ward Act”; ang Senate Bill 985 o ang pagprotekta sa remittances ng mga OFWs; Senate Bill 265 o ang “Overseas Filipino Workers Credit Assistance”; at Senate Bill 1280 na layon namang gawing libre sa ilalim ng PhilHealth ang mga diagnostic, laboratory, at iba pang pagsusuring kinakailangan para sa employment ng mga OFWs.
Mainit ang naging pagtanggap ng mga kababayan sa Singapore kay Revilla at kasabay nito ay tiniyak ng Senador ang pagtutulak na maipasa sa lalong madaling panahon ang mga panukalang batas.
Iginiit ni Revilla na mahalagang maipabatid sa mga kababayan sa ibang bansa na sa pamamagitan ng mga isinusulong na panukala ay maipapakita na mayroong gobyernong nagmamalasakit para sa kanila.