
Iginiit ng Malacañang na pursigido si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuluyang maalis ang system loss charge sa electric bill na dagdag pasanin sa mga konsyumer.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, batid ng mga mambabatas ang prayoridad ng Pangulo at ang mga hakbang na makapagbibigay-ginhawa sa publiko.
Matatandaang sa kaniyang State of the Nation Address (SONA), hiniling ng Pangulo ang pagtanggal sa system loss charge. Agad namang nagsagawa ng pagdinig ang Kongreso para pag-aralan ang mga kailangang amyendahan sa EPIRA Law.
Nitong Lunes, naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kautusan na hindi na dapat patawan ng VAT ang system loss charge.
Gayunman, wala pa umanong napag-uusapan kung paano pupunan ang tinatayang sampung bilyong pisong mawawalang kita sa buwis.
Sinabi ng Palasyo na may mga paraan ang Department of Finance (DOF) at BIR para mapunan ang posibleng kakulangan sa pondo.










