Malacañang, wala pang kumpirmasyon sa umano’y warrant of arrest ng ICC laban kay FPRRD

Wala pang kumpirmasyon mula sa Malacañang ang umano’y pagpapalabas ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito’y kasunod ng mga espekulasyon na umalis ng bansa si Duterte at tumungo sa Hong Kong dahil sa arrest warrant ng ICC.

Pero ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, kung ang International Police o Interpol ang humiling ng assistance sa Pilipinas sa kaso ni FPRRD ay makikipagtulungan ang pamahalaan alinsunod sa umiiral na patakaran tulad ng naunang pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Nauna nang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Jay Ruiz na narinig na nila ang umano’y impormasyon na naglabas na ng Warrant of Arrest for Crime Against Humanity ang ICC laban kay dating Pangulong Duterte dahil sa madugong war on drugs sa kaniyang administrasyon.

Tiniyak naman ng Malacañang na nakahanda ang pamahalaan sa anumang mangyayari kung maglalabas na ng warrant of arrest ang ICC laban kay FPRRD.

Facebook Comments