
Hinimok ni Senate President Chiz Escudero ang gobyerno na aralin ang epekto ng Philippine Inland Gaming Operators (PIGO) sa mga Pilipino.
Kaugnay na rin ito sa pangamba ni Escudero na posibleng hanggang sa bulsa ng mga Pinoy ay nakaabot na ang casino.
Hiniling ng Senate President na gamitin sa PIGO ang parehong accounting na ginamit sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) para magsagawa ng malawakang financial at social audit partikular sa mga internet gambling platforms.
Ayon kay Escudero, oras na magsimula na ang imbestigasyon sa PIGO, inaasahan niyang mabibigyang linaw na ang tungkol sa buwis na binabayaran nito, ownership structure, shares ng pamahalaan, at mga police reports na kagagawan ng mga nalulong na sa sugal.
Pinasisilip din ni Escudero kung magkano ang halaga na itinataya ng mga Pilipino sa mga aktibidad at platforms ng PIGO.