
Kinalampag ni Senator JV Ejercito ang mga kapwa nasa pamahalaan na tigilan o kaya ay bawasan ang pagpapa-escort sa pagbiyahe sa lansangan at sumunod sa pagbabawal sa paggamit ng wangwang.
Puna ni Ejercito, maraming politiko ang may mahabang escort ng mga sasakyan at kahit na araw ng linggo na hindi naman heavy traffic ay may convoy pa rin at madalas sila pa ang galit ‘pag nahuli.
Marami rin aniya ang pasaway na hindi sumusunod sa pagbabawal na gumamit ng wangwang kahit na ipinagbabawal ito sa ilalim ng Marcos administration.
Nanawagan din siya sa mga kapwa politiko na sundin ang batas trapiko tulad ng pagbabawal na dumaan sa EDSA busway at huwag nang dumagdag sa iba pang problema sa lansangan.
Suportado rin ni Ejercito ang desisyon ng Department of Transportation (DOTr) na panatilihin ang busway sa EDSA at bigyan ng konsiderasyon ang mga commuters na kinabibilangan ng mga ordinaryong manggagawa.