
Hinamon ng Malacañang si Vice President Sara Duterte na isabuhay ang sarili nitong payo na pairalin ang batas at huwag ang personal na opinyon sa usapin ng impeachment.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kung naniniwala si Duterte na dapat sa impeachment court ipaliwanag ang lahat, doon din umano ito dapat magpaliwanag at sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.
Dagdag ni Castro, hindi makatutulong sa paglilinis ng pangalan ng Bise Presidente ang mga pahayag nito laban kay Pangulong Marcos Jr. o ang pagbibigay ng komento sa labas ng impeachment court.
Bwelta ito ng Palasyo sa pahayag ni VP Sara na “walang halaga” ang pananaw ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr. na mas makabubuting humarap siya sa impeachment court upang personal na sagutin ang mga alegasyon.
Iginiit din ng Bise Presidente na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat umiwas sa pagbibigay ng personal na opinyon at pairalin ang Konstitusyon at mga katotohanan.










