
Target ng Senate Impeachment Court na makapagbaba ng hatol kay Vice President Sara Duterte hanggang sa December 16.
Ayon kay Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, batay sa bilis ng takbo ng paglilitis at sa tantya ng Impeachment Court ay makakapagbaba na sila ng hatol hanggang bago mag-Holiday recess ang Kongreso sa ikalawang linggo ng Disyembre.
Sinabi ni Tongol na ahead o nauuna pa ang korte ng 27 araw at kung tuluyan pang bibitawan ng prosekusyon ang Article 3 o tungkol sa bribery ay posibleng mapabilis pa ang proseso.
Bukod dito ay nakapagbawas na rin ng mga testigo ang prosekusyon at kung ganito rin ang gagawin ng depensa ay inaasahan ng Impeachment Court na hindi aabot sa susunod na taon ang pagbaba ng hatol sa bise presidente.
Dagdag pa ni Tongol, nakikita ng Impeachment Court na kakayanin ng prosekusyon na tapusin ang presentasyon ng lahat ng balak na testigo para sa nililitis ngayon na Impeachment Article 2 na tungkol sa paratang na hindi maipaliwanag na yaman at hindi tamang pagdedeklara ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise presidente.










