Tuesday, May 19, 2026

Service Contracting Program ng pamahalaan, tatapusin na sa Biyernes ng gabi; fuel subsidy sa mga jeep at UV express, tuloy pa rin —LTFRB

Inanunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hanggang sa Biyernes, May 22 na lamang tatakbo ang service contracting program ng pamahalaan.

Ayon sa LTFRB, ibig sabihin ay hanggang dito na lang din ang programa na nagbibigay ng 20 percent fare discount sa mga regular na pasahero at kabuuang 40 percent discount para sa mga estudyante, senior citizen, at persons with disability (PWD).

Ipinatupad ang programa para makatulong sa mga commuter sa pamamagitan ng mas mabilis at abot-kayang pampublikong transportasyon sa gitna ng serye ng taas-presyo sa produktong petrolyo mula noong Pebrero.

Sa kabila nito, tiniyak ng LTFRB na tuloy-tuloy ang pagbibigay ng tulong ng pamahalaan sa sektor ng transportasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr..

Kabilang dito ang P10 kada litro na fuel discount para sa mga pampasaherong jeep at UV Express na ipinatutupad na ngayon sa buong bansa matapos ang dry run sa Metro Manila.

Ayon sa LTFRB, mahigit 141,000 unit na ng jeepney at UV Express ang kabilang sa fuel subsidy program at maaari nang makinabang sa diskwento na may hanggang 150 liters kada linggo bawat sasakyan.

Facebook Comments