Muling nagbalik-eskwela ang mga mag-aaral sa Malasiqui National High School ngayong unang araw ng pasukan para sa School Year 2026-2027.
Kasabay ng pagbubukas ng klase, ipinatutupad din sa Malasiqui National High School ang shifting schedule para sa mga mag-aaral ng Grade 9 hanggang Grade 12 dahil sa kakulangan ng mga silid-aralan.
Pumapasok sa umaga ang mga Grade 9 at Grade 11 students habang sa hapon naman ang Grade 10 at Grade 12.
Mayroon ding asynchronous classes para sa ilang mag-aaral upang matugunan ang kinakailangang oras ng pag-aaral sa loob ng isang linggo.
Ayon pa sa pamunuan, isa sa mga pangunahing dahilan ng naturang setup ay ang kakulangan ng mga silid-aralan sa paaralan.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa limampung silid-aralan ang kakulangan ng Malasiqui National High School upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang lumalaking bilang ng mga mag-aaral.
Gayunpaman, sinabi ng paaralan na ito ay naaddress na ng Department of Education sa pamamagitan ng nakatakdang pagpapatayo ng karagdagang 30 silid-aralan.
Inaasahan din ang agarang pagtugon sa isang gusaling may 12 silid-aralan na kasalukuyang hindi magamit dahil sa isyu sa structural integrity nito.
Sa kabila nito, inaasahan ng paaralan na aabot sa 4,000 hanggang 4,500 estudyante ang kanilang populasyon ngayong School Year 2026-2027, halos kapareho ng naitalang bilang noong nakaraang taon.
Bago ang pagbubukas ng klase, nagsagawa rin ang paaralan ng iba’t ibang paghahanda kabilang ang Brigada Eskwela, paglilinis ng mga silid-aralan, pagsusuri sa kaligtasan ng mga pasilidad, at iba pang hakbang upang matiyak ang maayos na pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.
Patuloy din ang pagtanggap ng paaralan sa mga mag-aaral alinsunod sa mga patakaran ng Department of Education, bagama’t hinihikayat ang ilang Junior High School students na mag-enroll sa mga paaralang mas malapit sa kanilang lugar dahil sa kakulangan ng mga silid-aralan sa MNHS.
Samantala, nananatiling bukas ang paaralan para sa mga Senior High School students lalo na sa mga kursong hindi inaalok sa iba pang paaralan.
Sa kabila ng mga hamon sa pasilidad, nananatiling nakatuon ang Malasiqui National High School sa pagbibigay ng ligtas, maayos, at dekalidad na edukasyon para sa kanilang mga mag-aaral ngayong panibagong school year. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








