
Mariing pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang umano’y isinagawang joint sea at air patrol ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, walang anumang coordinated movement na na-monitor ang kanilang puwersa mula sa People’s Liberation Army (PLA) ng China.
Sinabi ni Trinidad na ang tanging presensya na kanilang nakita ay ‘yung iligal na pananatili ng China sa ating karagatan.
Paliwanag pa ni Trinidad, ang impormasyong ipinakakalat ng China ay para lamang sa kanilang “internal audience” at para baguhin ang pananaw ng international community.
Samantala, binalewala rin ng AFP ang pahayag ng PLA Southern Theater Command na diumano’y “nanghihikayat” ang Pilipinas ng ibang bansa para lumahok sa joint patrol sa nasabing karagatan.
Giit ni Trinidad, ang presensya ng Chinese vessels sa loob ng maritime zones ng Pilipinas ay malinaw na iligal, at dapat silang umalis sa ating teritoryo.
Sa kabila nito, naging maayos at walang aberya ang ikalawang joint maritime patrol ng Pilipinas at Japan sa West Philippine Sea nitong Sabado, June 14 kahit pa may dalawang barko ng Chinese Navy na namataan sa lugar.