SUMADSAD NA TUGBOAT SA ZAMBALES, LUMUBOG SA LAKAS NA ALON

‎Lumubog ang isang tugboat na may pangalang MTUG SL SUAL 1 umaga ng August 24, 2026 sa Botolan, Zambales.

‎Ayon sa Philippine Coast Guard o PSG, 7:46 ng umaga ng sinubukan nila itong hilahin sa parte ng dagat kung saan sumadsad ang tugboat nang biglang unti-unti ay tumagilid ito pa-kanan at kalauna’y lumubog na may lalim na 24 meters matapos hampasin ng malalakas na alon.

‎Naglalaman umano ng 15,000 liters ng diesel ang nasabing tugboat.

‎Kita sa bidyong in-upload ng PCG ang sampung lulan ng tugboat na isa-isang nagsitalunan habang unti-unting nilalamon ng tubig ang kanilang sinasakyan. Nailigtas naman ang mga ito at natulungan.

‎Base sa inisiyal na imbestigasyon ng PSG, narinig ang isang malakas na tunog ng pagbangga bago mangyari ang insidente.

‎Sinabi ni PCG Spokesperson, Commodore Noemie Cayabyab, isa sa tinitignang posibilidad ng paglubog ng nasabing tugboat ang pagsadsad nito sa ilang metal debris sa ilalim ng tubig na maaring bahagi ng lumubog na vessel sa bahagi na iyon.

‎Dagdag pa niya, hindi rin nakatulong ang masamang sitwasyon bunsod ng malalaki at malalakas na hampas ng alon.

‎Patuloy namang naglalagay ng absorbent pads at minomonotor ang lugar sa posibleng oil spill. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments