
Hindi pa rin tiyak kung magtutuloy-tuloy ang rollback sa presyo ng petrolyo sa mga susunod na linggo.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ito ay dahil sa pabago-bago pa rin ang paggalaw ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Ang rollback nitong linggo ay dulot lamang ng pansamantalang paghina ng global oil prices matapos ang anunsyo ng tigil-putukan sa pagitan ng United States at Iran.
Pero nagbabala si Energy Secretary Sharon Garin na posibleng hindi ito magtuloy-tuloy dahil sa patuloy na tensiyon sa Middle East.
Ayon kay Garin, malaki ang impluwensiya ng mga pahayag ni US President Donald Trump sa galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado, kabilang ang mga pangyayari sa Strait of Hormuz.
Sa kabila ng hindi tiyak na presyo, siniguro naman ng DOE na sapat ang suplay ng langis sa bansa sa humigit-kumulang 50-day na imbentaryo.










