Suspek sa pananaksak ng kanyang kainuman, arestado sa QC

Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek sa pananaksak na ikinasawi ng kanyang kainuman sa Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Cristo Tabarnilla, 33 anyos residente ng Brgy. Vasra, Quezon City habang ang biktima ay nakilalang si Ryan Horario

Ayon sa imbestigasyon ng QCPD habang nag-iinuman ang biktima at suspek nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo hinggil sa isang babae na kaibigan ni Tabarnilla.


Dahil sa matinding galit, kumuha ng patalim ang suspek at ilang beses pinagsasaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agad din niyang ikinamatay.

Tumakas ang suspek at nagtungo sa direksyon sa Quezon City Memorial Circle pero agad ding nahuli sa isinagawang follow-up operation ng mga operatiba ng Police Station 15.

Nakakulong na ang suspek sa himpilan ng pulisya at kinasuhan na rin ng kasong paglabag sa Article 248 of the Revised Penal Code o Murder sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Facebook Comments