
Naaresto na ng Taguig City Police ang isang lalaki na sangkot sa insidente ng road rage sa Bonifacio Global City (BGC) noong Huwebes ng hapon.
Ayon sa NCRPO, nangyari ang insidente dakong alas-4:00 ng hapon sa kahabaan ng Kalayaan Avenue kanto ng 8th Avenue, Barangay Fort Bonifacio.
Kita sa kumalat na video ang dalawang lalaki na nasugatan matapos atakihin ng suspek gamit ang screwdriver.
Kinilala ng Taguig CPS ang suspek sa alyas “Sherwin,” 48 anyos, na nahaharap ngayon sa dalawang kaso ng Frustrated Homicide alinsunod sa Article 249 ng Revised Penal Code.
Batay sa imbestigasyon, nagsimula ang kanilang away matapos umanong sumenyas ng hindi maganda ang suspek sa mga biktima habang bumabagtas sa 8th Avenue.
Lumala ang sitwasyon nang pareho silang huminto sa traffic light.
Sinasabing kumuha ng screwdriver ang suspek mula sa compartment ng kanyang motorsiklo at inatake ang dalawang biktima bago nagtangkang tumakas.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Taguig City Police Sub-Station 1 matapos humingi ng tulong ang mga saksi, na nagresulta sa mabilis na pagkakaaresto sa suspek.
Patuloy na sinusuri ng pulisya ang mga viral video at iba pang ebidensiya kaugnay ng insidente bilang bahagi ng imbestigasyo.










