TABING ILOG SA BRGY. BOLOSAN, DAGUPAN CITY GINAWANG TAPUNAN NG BASURA; MGA OPISYAL NG BARANGAY, MAY PANAWAGAN SA MGA RESIDENTE

Ilang plastik ng basura ang nakuha mula sa tabi ng ilog sa Brgy. Bolosan, Dagupan City malapit sa boundary ng lungsod at bayan ng Mangaldan.

Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi ni Kapitana Nancy Morris na muli na namang nakapagtala ang mga opisyal ng umano’y ilegal na pagtatapon ng basura partikular sa gilid ng ilog.

Aniya, matagal na umanong problema sa lugar ang pagtatapon ng basura kung saan kadalasan nakukuha ay mga tirang nilinisang manok at samu’t saring plastik na maaari umanong magdulot ng panganib sa kalusugan.

Giit pa ng barangay, may nakakabit umanong CCTV cameras sa arko kung saan madalas makita ang pagtatapon ng basura ngunit hindi pa rin matukoy ang eksaktong oras at mga responsable rito.

Dahil dito, sinabi ng barangay na nakipag-ugnayan na sila sa pamahalaang lungsod kaugnay sa problema.

Nanawagan naman ang mga opisyal sa mga residente at mga dumaraan sa barangay na magsagawa ng tamang segregation at pagtatapon ng basura alinsunod sa ipinatutupad na ordinansa ng lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments