Taguig RTC, hinarang ang kandidatura ni ex-mayor Lino Cayetano

Ipinag-utos ng Regional Trial Court ng Taguig Branch 153 na huwag isama ang pangalan nina dating Mayor Lino Cayetano at kanyang asawang si Fille Cayetano sa opisyal na listahan ng kwalipikadong botante ng Precinct No. 0926A, Barangay Ususan, Lungsod Taguig.

Sa 14-pahinang desisyon, iginiit ng RTC Taguig na kulang sa 6 na buwan ang paninirahan na mag-asawang Cayetano sa Barangay Ususan.

Sa pag-aaral ng korte sa ebidensiya ng mag-asawa at ebidensiya ng mga tumututol sa kanilang tangkang pagrehistro sa Barangay Ususan, sinabi ng korte na hindi napatunayan ng mag-asawa na residente sila ng nasabing barangay ng may 6 na buwan bago ang nalalapit na eleksyon.

Ayon sa korte, malinaw din sa mga dokumento na lumipat sila noong 2023 sa Essensa Condominium sa BGC at bomoto sa Brgy. Fort Bonifacio noong nakaraang Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Ang pag-upa nila ng unit sa Essensa Condominium sa BGC at pagboto sa Brgy. Fort Bonifacio ay patunay na hindi na nila itinuturing ang sarili nila bilang residente ng Brgy. Ususan.

Bukod dito, nagtestigo rin sa korte ang kanilang driver at security aide kung saan inamin ng mga ito na naninirahan ang mag-asawa sa Essensa Condominium noong Nobyembre 2024.

Lumalabas sa desisyong ng Taguig RTC na hindi na maaaring tumakbo si Lino Cayetano bilang kongresista ng First District ng Taguig at Pateros.

Ang desisyon ng RTC Taguig ay pinal na at agarang ipapatupad. Sinusubukan naming kunan ng reaksyon ang kampo ni Cayetano pero wala pa silang sagot.

Facebook Comments