
Inanunsyo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang tuluyang pagkansela sa kasunduan nito sa Blue Star Construction Development Corporation (Blue Star) sa Masungi Geopark sa Tanay, Rizal.
Ayon kay DENR Asec. for Legal Affairs and Enforcement Atty. Norlito Eneran, inaprubahan na ang pagkansela sa kasunduan dahil sa patong-patong na violations at hindi pagtupad ng obligasyon ng kumpanya sa supplemental agreement na pinasok noong pang 2002.
Sa ilalim ng kasunduan, nakapaloob ang pagtatayo ng Blue Star ng housing project sa lugar, bagay na hindi umano nagawa ng kumpanya.
Ayon sa DENR, sa liham na ipinadala kay Ben Dumaliang, may-ari ng Blue Star at tagapagtaguyod ng Masungi Georeserve, ilan sa mga dahilan ng pagkansela ng supplemental agreement ang kawalan ng kinakailangang Presidential Proclamation na nagdedeklara na ang lupang sakop ng kontrata ay para sa layuning pabahay; kawalan ng dokumento na nagpapatunay na dumaan sa tamang bidding o procurement process ang proyekto; at ang kabiguang maipatayo ang 5,000-unit na Garden Cottages housing project sa loob ng limang taon mula nang pirmahan ito noong Nobyembre 15, 2002.
Batay rin sa imbestigasyon ng DENR, mali ang paniningil ng Blue Star sa Masungi Rock Eco-Tourism.
Gayundin ang pagpapabakod sa bahagi ng lote at labis na paghihigpit sa pag-access ng mga awtorisadong kinatawan ng DENR sa lugar.
Dahil naman dito, inatasan na ng DENR ang Blue Star na lisanin na ang 300 ektaryang sakop ng kinanselang kasunduan sa loob ng 15 araw matapos nilang matanggap ang letter of cancellation.