NIGHT PATROLS SA ARELLANO STREET SA DAGUPAN CITY, TULOY-TULOY; ILANG BAHAGI NG KALSADA, NADAGDAGAN NG SOLAR LIGHTS

Mas pinaiigting ng Barangay Pantal sa Dagupan City ang mga hakbang para mapanatili ang seguridad sa lugar, partikular sa mga bahaging dinarayo ng mga residente at estudyante.

Kabilang dito ang pagkakaroon ng mga bagong solar street lights sa Arellano St. na nagbibigay ng karagdagang liwanag sa kalsada, lalo na pagsapit ng gabi.

Ayon kay Punong Barangay Julie F. Perez, malaking tulong ang mga ilaw sa seguridad, partikular sa bahagi ng Arellano St. na may ilang night life establishments gaya ng mga bar.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang kanilang walking roving tuwing gabi upang mamonitor ang sitwasyon at agad na matugunan ang anumang insidente sa barangay.

Mas binibigyang-pansin din umano ng barangay ang seguridad dahil dalawang unibersidad ang sakop ng kanilang lugar, dahilan upang maraming estudyante mula sa iba’t ibang lugar ang nananatili at dumaraan sa barangay.

Bukod sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan, nakikipagtulungan din ang barangay sa iba’t ibang non-government organization o NGO bilang bahagi ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Tiniyak naman ni Perez na patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon sa barangay upang mapanatiling ligtas ang mga residente, gayundin ang mga estudyanteng nagmumula sa iba’t ibang lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments