
Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na susunod sila sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa inihaing petisyon na kumukuwestiyon sa proseso ng online overseas voting nitong nagdaang 2025 elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na resolusyon kaya’t hindi pa nila sigurado kung may lumabas nang ruling mula sa Supreme Court.
Naghain ng motion go intervene ang National People’s Initiative Council Committee at God’s People’s Initiative kaugnay sa petisyon na inihain ng PDP Laban noong Hunyo ng nakaraang taon.
Hinihiling nila sa Kataas-taasang Hukuman na maglabas ng writ of preliminary mandatory injunction na nag-aatas sa Joint Congressional Oversight Committee na mag-convene at mag-isyu ng certification kaugnay sa Miru Systems Inc. na naging election provider sa nagdaang halalan.
Hiniling din ng intervenors na imbestigahan ng Joint Committee ang SMS Global at Sequent Tech Inc. dahil sa umano’y paglabag sa karaptan ng mga botanteng overseas Filipino workers.
Batay sa resolusyon ng SC noong April 15, pinagkokomento nila ang Comelec at Department of Foreign Affairs (DFA) sa loob ng 10 araw mula nang matanggap ang kopya.










