Tatlong akyat-bahay, arestado sa QC

49

Arestado ang tatlong lalaki matapos magnakaw sa isang bahay sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina Loveje Blasico Malinao, JV Undiana Malsi, at Laurence De Leon Razon na pawang mga residente ng Barangay Holy Spirit.

Ayon sa may-ari ng bahay na si Manuela Seguera Moreno, nasa trabaho siya nang tumawag ang kanyang anak ay isinumbong ang nangyaring panloloob sa kanilang bahay.


Agad siyang umuwi at doon na nadiskubre ang sirang pintuan na sapilitang binuksan ng mga suspek habang nawawala ang kanilang mga cellphone at pera na nagkakahalaga ng P1,200.

Humingi ng tulong si Moreno sa barangay hall at ini-report ang insidente sa Police Station 6.

Isang concerned citizen naman ang nagturo sa pinagtataguan ng mga suspek dahilan para agad na maaresto ang mga ito.



Narekober sa kanila ang isang Samsung Tablet pero hindi na nabawi pa ang dalawang cellphone at ang perang ninakaw ng mga suspek.

Kinasuhan na ang mga suspek ng paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code.

Facebook Comments