TATLONG DATING REBELDE, NAGTAPOS SA JUNIOR HIGH SCHOOL SA TULONG NG ALS PROGRAM

Cauayan City, Isabela- Nagtapos na sa Junior High School sa pamamagitan ng ALS o Alternative Learning System ng DepED ang tatlong (3) dating rebelde na nasa pangangalaga ng 86th Infantry Battalion na nakabase sa bayan ng Jones, Isabela.

Personal na ipinagkaloob ni Ginoong Richard Lagasca, Education Program Supervisor II ng DepEd Isabela ang Diploma sa tatlong Former Rebels (FRs) na isinagawa rin sa Headquarters ng 86th IB.

Ang tatlong nagtapos ay maaari nang ipagpatuloy ang pag-aaral sa Senior High School.

Nagsimula ang pag-aaral ng mga dating rebelde sa ALS noong ika-walo ng Oktubre taong 2020 sa tulong ng 86th IB katuwang ang Jones West Central School at sumailalim din ang mga FRs sa ALS accreditation noong nakaraang Setyembre.

Nagpapasalamat naman ang isa sa tatlong nagtapos na si Jhonella Ngitit o alyas “Nika” sa ibinigay na pagkakataon para sila ay makapag-aral dahil malaking tulong aniya ito sa kanila para magkaroon ng mas magandang oportunidad at kinabukasan.

Facebook Comments