
Kinumpirma ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Office of the Commissioner Chief of Staff Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez na kumita ng higit ₱85.34 million sina Vice President Sara Duterte at Atty. Mans Carpio.
Sa Day 36 ng impeachment trial ay naitanong sa direct examination ni prosecution lawyer Atty. Erwin Matib kung ang pinagsamang kita ba nina VP Sara at Carpio matapos ibawas ang tax o buwis ay aabot ba sa higit ₱85.34 million na siyang kinatigan naman ni Marquez.
Tinukoy ni Matib na hindi ito tugma sa 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte kung saan ang deklaradong net worth o kabuuang yaman nito ay aabot ng higit ₱98 million.
Maliban dito, may “cash on hand” at sa bangko ang mag-asawa base sa audited financial statements: ₱21.23 million noong 2022; ₱28.97 million noong 2023; ₱15.53 million noong 2024; at ₱13.80 million noong 2025.
Tinukoy din ni Marquez na may iba pang kita si VP Sara kung saan tinukoy na noong 2024 aabot sa higit ₱1.058 million habang noong 2025 may iba pang kita ang bise na aabot sa ₱1.083 million.
Nang matanong ni Matib si Marquez kung saan galing ang ibang kita ng bise presidente, tugon ni Marquez, walang nakasaad sa audited financial statement pero kung ang pagbabatayan ay ang certificate of registration, sa mata ng BIR, ito ay ibang kita mula sa kanyang law profession.
Gayunman, ipinunto ni Matib na ipinabasa nito sa testigo, na batay sa Article 7 Section 13 ng 1987 Constitution, ang pangulo, ikalawang pangulo, mga miyembro ng gabinete, at mga deputies o assistants nito ay hindi maaaring humawak ng ibang opisina o trabaho habang nasa posisyon.










