
Binigyan ng anim na buwang deadline ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Banoy Lopez ang mga bus operator upang ganap na ipatupad ang “EDSA Busway Left-Side Door Policy” sa kahabaan ng EDSA.
Layunin ng nasabing direktiba na tiyaking nasa kaliwang bahagi ng bus ang pinto ng mga sasakyan para sa mas ligtas at komportableng pagbaba at pagsakay ng mga pasahero sa mga busway station.
Paliwanag ng kalihim, sa mahigit 500 bus na bumabiyahe sa EDSA Busway, nasa 181 pa lamang ang may pintuan sa kaliwa kaya’t kailangan pa ring umikot ng ibang pasahero na lubhang peligroso.
Alinsunod ito sa utos ng pamahalaan na unahin ang kapakanan ng mga commuter at nilinaw na hindi na magbibigay pa ng anumang extension pagkatapos ng ibinigay na palugit.
Nagbabala rin ang DOTr na ang mga bus operator at consortium na mabibigong sumunod sa loob ng anim na buwan ay patawan ng multa, suspensyon, o tuluyang pagbabawal na bumiyahe sa EDSA Busway.










