
Hindi mako-kontrol ng Pilipinas ang mga kaguluhan sa ibang panig ng mundo pero giit ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, maaaring ipaloob sa 2026 proposed budget ang paghahanda sa epekto nito sa ating ekonomiya, kalakalan, lalo na sa kaligtasan at kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers.
Pangunahing tinukoy ni Salceda na tiyaking maipaloob sa 2026 budget ang P600 million o higit pa para sa repatriation at serbisyong magbibigay proteksyon sa ating mga kababayan sa abroad, lalo na ang apektado ng tensyon sa bahagi ng Middle East.
Binanggit ni Salceda na asahan din ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo na dapat ikonsidera ng Development Budget Coordination Committee sa pagtaya sa itataas ng inflation kasama ang adjustment sa gastusin sa social protection programs para sa 2026.
Ibinabala rin ni Salceda ang posibleng pagkaantala sa suplay ng abono, lalo na ang urea, kung magpatuloy ang kaguluhan sa Gulf Region.
Kaya payo ni Salceda sa Department of Agriculture, Bureau of Plant Industry, at National Food Authority, maglaan ng pondo para sa logistics resilience at buffer stock sa kanilang 2026 budget proposals.