Mahigit P16-M halaga ng droga, natuklasan sa Central Mail Exchange center ng BOC

Naharang ng Bureau of Custom (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tangkang pagpapalusot ng droga sa pamamagitan ng Central Mail Exchange Center sa Pasay City.

Ayon sa BOC, ito’y matapos matuklasan ang mahigit P16.32 million na halaga ng mga droga sa ilang inabandonang parcel.

Kabilang sa mga kinumpiska ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang 858 grams ng kush o high-grade marijuana na nagkakahalaga ng P1.2 milyon.

Kasama pa ang 3,025 grams ng Ketamine na nagkakahalaga ng P15.12 million.

Ang dalawang parcel ay naglalaman ng kush mula Estados Unidos at Thailand na kapwa itinago sa mga karton habang nakalagay sa limang plastic bags ang ketamine na galing naman sa Poland na itinago sa loob ng isang coffee maker.

Samantala, agad namang nai-turnover ang mga parcel sa PDEA para sa kaukulang imbestigasyon habang wala pa ring nagke-claim hanggang sa ngayon.

Facebook Comments