
Sasalang sa cross-examination ng depensa ang testigo ng prosekusyon na si Philippine Government Electronic Procurement System o PHILGEPS Division Chief Rendell Sopeña ngayong ika-30 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ipagpapatuloy ang pagbusisi sa diumano’y unexplained wealth at nagpatuloy na business interests ng bise presidente.
Sa naging testimonya ni Sopeña na batay sa PHILGEPS records, nakakuha ang Gencorp Industries ng 49 na supply contracts sa gobyerno na may kabuuang halaga na P35.8 million.
Sa SALN ng bise, nakadeklara na shareholder siya ng Gencorp.
Nakahanay naman at naka-subpoena na rin para humarap anumang araw ngayong linggo si Davao City Mayor Baste Duterte.
Batay sa prosekusyon, pahaharapin si Mayor Baste hindi bilang kapatid ng vice president kundi bilang mayor ng Davao City at pinagbibibitbit ito ng mga dokumento ukol sa mga kontrata ng Gencorp sa Davao City LGU mula nung 2020.
Sa impeachment trial ngayon maaring ihayag ang pasya ng Impeachment Court sa request ng prosecution na ipatawag si dating Senator Antonio Trillanes IV at ang iba pang gusto nilang tumestigo sa impeachment trial.
Samantala, ayon naman kay Office of Sergeant-at-Arms (OSAA) Alfred Corpus, parehong security pa rin ang ipatutupad ngayong linggo sa Mataas na Kapulungan para sa inaasahang pagharap ni Mayor Duterte.
Tulad sa ibang mga testigo, bibigyan ng OSAA ng seguridad ang alkalde.
Gayunman, sinabi ni Corpus na wala pa ring koordinasyon ang kampo ni Mayor Duterte sa pagharap sa Impeachment Court pero inaasahan pa rin ito hanggang September 30 o sa Miyerkules.










