Pinaigting pa ng Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO) ang kampanya nito laban sa iligal na droga matapos matagumpay na masamsam at masira ang tinatayang ₱2.4 milyong halaga ng mga tanim na marijuana sa isang eradication operation kamakailan.
Isinagawa ang operasyon sa pinag-aagawang hangganan ng Barangay Licungan sa bayan ng Sugpon, Ilocos Sur at Barangay Tacadang sa Kibungan, Benguet.
Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ng mga awtoridad ang dalawang taniman ng marijuana na may kabuuang lawak na 1,500 metro kuwadrado.
Mula rito, nabunot at nawasak ang humigit-kumulang 12,000 ganap nang tumubong halamang marijuana na may tinatayang halaga na ₱2.4 milyon.
Bagama’t walang naarestong nagtatanim o nagmamay-ari ng mga taniman, sinabi ng pulisya na malaking tagumpay pa rin ang operasyon dahil napigilan ang posibleng pag-aani at pamamahagi ng iligal na droga sa merkado.
Patuloy naman ang isinasagawang monitoring at eradication operations ng pulisya sa mga bulubunduking lugar upang matukoy at masugpo ang iba pang posibleng taniman ng marijuana sa rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









